16 Dasmariñas pulis sinibak!

LABING-ANIM na pulis ng Dasmarinas City Police, kabilang ang kanilang hepe, ay sinibak matapos silang kasuhan sa Department of Justice (DOJ) ng isang grupo ng mga karpintero, manggagawa, at guwardiya na nagtatrabaho sa isang ari-arian sa Dasmariñas.

Ayon kay PCol. Ariel R. Red, Provincial Director, Cavite Police Provincial Office, mariing tinitiyak ng kanilang himpilan sa publiko na ang umano’y insidenteng kinasangkutan ng mga tauhan ng Dasmariñas City Police Station noong Disyembre 21, 2025 ay agarang tinutugunan nang may pagpapasya, patas, at may pananagutan.

“Mahigpit na ipinapahayag ng tanggapan na hindi nito kukunsintihin ang anumang uri ng maling asal, pang-aabuso sa kapangyarihan, o paglabag sa batas. Naninindigan ang Cavite PPO sa pagpapanatili ng tuntunin ng batas, pagprotekta sa karapatang pantao, at pagsusulong ng pinakamataas na antas ng propesyonalismo sa hanay ng kapulisan,” aniya.

Kaugnay nito, ang hepe ng Dasmariñas Component City Police Station (CCPS), ay agad na inalis sa kanyang pwesto habang hinihintay ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon, alinsunod sa umiiral na mga patakarang administratibo.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng hiwalay, masinsinan, at walang kinikilingang imbestigasyon ang National Police Commission (Napolcom) upang matukoy ang buong katotohanan at mga pangyayari kaugnay ng insidente.

Kasabay nito, nagsasagawa rin ng sariling imbestigasyon ang Provincial Office. Masusing sinusuri ang lahat ng ebidensya at mahigpit na sinusunod ang due process upang matiyak na mananaig ang katotohanan, pananagutan, at hustisya.

Tiniyak din ng Cavite PPO sa komunidad na walang sinuman ang nakahihigit sa batas. Kapag napatunayang may administratibo o kriminal na pananagutan, agad na isasampa ang kaukulang mga kaso alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.

“Nanawagan ang Cavite PPO sa publiko na manatiling kalmado, mapanuri, at maging mapagpasensya habang isinasagawa ang imbestigasyon.

“Naninindigan ang tanggapan sa pagiging bukas at tapat sa publiko at patuloy na gagawa ng mga kinakailangang hakbang upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan. Makakaasa ang lahat na patuloy na gagampanan ng Cavite PPO ang kanilang mandato na maglingkod at mangalaga nang may integridad, propesyonalismo, at buong paggalang sa karapatan at dignidad ng bawat mamamayan,” ani PCol. Red,

The post 16 Dasmariñas pulis sinibak! appeared first on Journal News Online.

About admin