P18M para sa retired teachers babayaran na

INIUTOS ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang paglalabas ng P18 milyon para sa Old Age Sustenance Allowance (OASA) ng mga retired teachers sa Manila para sa buong 2025.

Sinimulan ang payout noong Pebrero 16 at tatagal hanggang Pebrero 20 na sumasaklaw mula Enero hanggang Disyembre 2025 at nakabatay sa ilalim ng Ordinance No. 7977 kung saan pagkakalooban ng P6,000 kada taon ang mga kwalipikadong retiradong guro na may edad na 70-anyos pataas.

Sinabi ni Mayor Domagoso na ang unang hiling ay para lamang sa anim na buwan o kabuuang P9 milyon subalit ipinasiya niyang pahintulutan ang pagbabayad para sa buong taon.

“Good things come to those who wait. Kaya January to December 2025 na mahuhulog! I already advised Atty. Paul Vega, our City Treasurer, to release P18 million for our more or less 3,000 retired teachers of Manila,” pahayag ng alkalde.

Ayon pa sa alkalde, ang pagpapabuti ng kalagayan ng pananalapi ng lungsod ang naging daan upang matugunan ang nakaraan pang obligasyon kabilang ang mga natamo bago ang kanyang kasalukuyang termino.

Kabilang sa produkto ng sistema ng pampublikong edukasyon sa Maynila ay naglalarawan ng patuloy na obligasyon ng pamahalaang lungsod na tumulong sa paghubog ng bagong henerasyon ng mga Manileños.

The post P18M para sa retired teachers babayaran na appeared first on Journal News Online.

About admin