Si Ogie Diaz ang sumagot sa mga naging pahayag ni Rod Navarro Jr. laban kay Coco Martin patungkol sa naging trato nito sa kanya habang ginagawa ang “FPJ’s Batang Quiapo.”
Sa isang mahabang post sa Facebook, ipinagtanggol ni Ogie ang Kapamilya Primetime King at binuweltahan ang anak ng yumaong veteran actor na si Rod Navarro Sr.
“May nag-message pala sa akin. Now ko lang nabasa sa message request dahil na-curious ako dito sa anak ng namayapang si Rod Navarro. Sorry nga pala, di kita agad nareplayan.
“Since binanggit mo ang pangalan ko, Rod Navarro Jr., eh meron lang akong gustong itanong sa yo,” simula ni Papa Ogs.
“Paano kang minura at minaltrato sa set ng ‘Batang Quiapo’ kung nag-message ka sa akin dahil gusto mong magpainterbyu para makapagpasalamat kay Coco sa kabutihan nito sa yo?
“Saka nag-post ka ng 4.20am, di ka pa natutulog o kagigising mo lang o nasa stage ka ng depression?” pagkuwestiyon niya kay Rod.
Ikinuwento ni Ogie kung paano binigyan ng tulong ni Coco si Rod Jr. kahit hindi naman daw nito kilala ang aktor.
“Unang-una, hindi ka naman kilala ni Coco nang personal. Lumapit ka nang maayos, binigyan ka ng chance. Lumabas ka sa ‘Batang Quiapo.’ Na kapag wala kang work, di ba, eh, gusto niya mag-marshall ka sa taping para magmasid-masid ka doon habang wala kang work?” aniya.
Bukod dito ay inalok pa raw ni Coco ng puhunan si Rod para magnegosyo.
“Inalok ka pa ni Coco na magnegosyo. Mag-isip kayo ng pamilya mo kung ano ang pwede nyong i-negosyo at bibigyan ka niya ng 100k bilang puhunan basta latagan mo lang siya ng business plan mo, dahil ayaw niyang masayang yung puhunang ibibigay lang niya sa yo.
“Yung pera, nandun lang sa isang staff, pero pitong buwan nang andun yung pera, hindi mo raw kinukuha. So natural, ibabalik na ito kay Coco. Ano iisipin ni Coco? Di ka interesado sa puhunang ibibigay niya sa yo,” sey ni Coco.
Paninita niya pa kay Rod Jr., “Ikaw ang tinutulungan nung tao kahit di ka kaanu-ano. Sana, na-appreciate mo man lang yung gesture nung tao sa yo.”
Hindi rin daw basta extra lang ang ibinigay na role kay Rod sa FPJBQ.
“Binigyan ka ng exposure at hindi naman basta extra lang. Namatay ang character ni Irma Adlawan, natural, mawawala din ang character mo,” ani Ogie.
Kalakip ng ‘open letter’ ni Ogie ay ang chat message ni Rod sa kanya at dito ay mababasa na labis ang pasasalamat niya kay Coco sa pagtulong sa kanya.
“At eto na nga, sabi mo sa message mo sa akin, napakabait at napakatiyaga sa yo ni Coco nung Nov. 20, 2024 at gusto mong magpainterbyu dahil sabi mo, gusto mong magpasalamat kay Coco,” sey ni Ogie kay Rod.
Kaya naman ang tanong niya sa aktor, “So saan galing ang hugot ng galit mo kay Coco ngayong 2026?”
Ang pagtatapos na mensahe niya kay Rod, “Paano ka tutulungan ng industriyang ito kung nakakalimutan mong maging grateful?”
Sa kasalukuyan ay wala pa ring pahayag si Coco hinggil sa mga naging pahayag ni Rod Jr.
The post Ogie ipinagtanggol si Coco sa mga tirada ni Rod Navarro Jr. appeared first on Journal News Online.